CEBU CITY – Patay ang apat na taong gulang na bata matapos mabagsakan ng bakal na rehas sa Pasil fish port sa Barangay Suba dito pasado alas-4 ng hapon noong Lunes, Oktubre 14.
Sa isang video na kumakalat sa social media, nakita ang biktima na nakasandal sa rehas habang ang isa pang bata ay umakyat sa metal na harang.
Habang sinusubukang bumaba ng isa pang bata, nahulog ang rehas at naipit ang bata. Dinala sa ospital ang biktima ngunit kalaunan ay binawian din ng buhay dahil sa matinding pinsala sa ulo.
Ang pamahalaang lungsod ay nagpaabot ng tulong pinansyal sa pamilya ng bata.
Iniimbestigahan na ng Cebu City Traffic Office (CCTO), na nagmamay-ari at naglagay ng rehas sa lugar, ang insidente.
Sinabi ni CCTO chief Raquel Bohol-Arce na hiniling ng pamunuan ng palengke na mailagay ang rehas sa lugar upang makontrol ang trapiko.
Sinabi niya na iniimbestigahan din ng CCTO ang mga alegasyon na ang isang e-bike na nagtangkang ihatid ang biktima sa ospital ay nahuli ng mga traffic enforcer.
Sinabi ni Arce na tinitingnan ang mga alegasyon dahil hindi karaniwang hinuhuli ng mga tauhan ng CCTO ang mga sasakyang may sakay na mga pasahero na nangangailangan ng agarang tulong medikal. RNT