Home METRO 4 arestado sa P6.8M tobats sa Kyusi

4 arestado sa P6.8M tobats sa Kyusi

Arestado ang apat na lalaki sa isang apartment sa Barangay E. Rodriguez Sr., Quezon City, matapos mahulihan ng isang kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6.8 milyon.

Ayon kay Barangay Chairman Marciano Buena-Agua Jr., isang delivery rider ang napansin nilang madalas kumuha ng parcel sa lugar, kaya minanmanan nila ito at iniulat sa PDEA.

Upang makakalap ng ebidensya, isang tauhan ng barangay ang nagpanggap bilang delivery rider, na kalaunan ay nakumpirma ang ilegal na gawain ng isang 35-anyos na nangungupahan sa apartment.

Sa isinagawang operasyon, nadakip ang 35-anyos na suspek kasama ang tatlong iba pa na may edad 38, 37, at 22. Depensa ng 35-anyos, iniwan lamang sa kanila ang droga at hindi niya alam ang gagawin dito.

Sinabi ng 37-anyos na inimbitahan lang siya, habang inamin ng 38-anyos na matagal na siyang gumagamit ng droga. Ang 22-anyos naman ay nagsabing kailangan niya ng pera para sa gamot.

Nakumpiska mula sa kanila ang isang parcel na may lamang apat na plastic bag ng hinihinalang shabu, boodle money, cellphone, digital weighing scale, heat sealer, IDs, at isang ledger book.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng PDEA ang mga suspek at mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RNT