MANILA, Philippines- Apat na babae kabilang ang veteran actress na si Vilma Santos-Recto at dating third district Congresswoman at field reporter Sol Aragones na pawang kandidato sa pagka-gobernador ang nagwagi sa Batangas at Laguna matapos na iproklama kanina ang mga ito ng Provincial Commission on Election Officers.
Nagkamit ng botong 627,234 ang sa pagka-gobernador si Sol Aragones, habang nanalo naman sa Batangas si Vilma Santos-Recto na may botong 670,073. Samantala, ang iba pang nagwagi sa pagka-gobernador ay si Niña Ynares ng Rizal na may botong 882,964, sa Quezon na si Doktora Helen Tan na may botong 983,320, na pawang naiproklama nitong Martes sa kani-kanilang probinsya.
Samantala, iprinoklama ang nag-iisang nagwaging lalaki sa Cavite sa gubernatorial race na si Abeng Remulla na nagkamit ng botong 1,047,818.
“Sa mga kababayan ko po sa Laguna, maraming salamat po sa pagtitiwala at pagkapit sa ating adbokasiya. Iaalay ko po ang aking buong kakayahan para paglingkuran kayo. Sa aking mga naging katunggali, patuloy tayong magsasama-sama para sa minamahal nating Laguna. Agad nating sisimulan ang Pag-AKAY,” ayon kay Aragones. Ellen Apostol