ANTIPOLO CITY- Umabot sa P10 milyong halaga ng ari-arian ang tinupok ng apoy matapos sumiklab ang sunog sa isang bahay at nadamay ang missionary training center noong Huwebes sa lungsod na ito.
Ayon kay Antipolo BFP Fire Marshall Senior Fire Officer 3 (SFO3) Licerio Deunas, dakong alas-9:37 ng gabi nagsimula ang sunog sa isang bahay sa Barangay San Isidro.
Umakyat ito sa ikalawang alarma bandang alas-9:40 ng gabi dahil magkakadikit lamang ang limang kabahayan na gawa sa light materials hanggang sa madamay ang missionary center na dating paaralan.
Pagsapit ng alas-11:35 ng gabi ay tuluyang naapula ang sunog ng mga tauhan ng BFP habang ang mga residenteng apektado ay nanuluyan sa kanilang mga kaanak at agad na binigyan ng tulong ng barangay.
Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad para malaman ang sanhi ng sunog. Mary Anne Sapico