Home NATIONWIDE 4 bansa lang nakasusunod sa anti-tobacco measures – WHO

4 bansa lang nakasusunod sa anti-tobacco measures – WHO

Apat na bansa lamang kabilang ang Brazil, Mauritius, Netherlands at Turkey ang nagpatibay ng lahat ng anti-tobacco measures na inirerekomenda sa paglaban sa “nakamamatay na salot” ng paninigarilyo, sinabi ng World Health Organization noong Lunes.

Hinimok ng UN health agency ang mga bansa na palawakin ang kanilang paggamit ng mga kinikilalang hakbang upang bawasan ang paggamit ng tabako.

Kabilang dito ang pagpapatupad ng mga pagbabawal sa advertising, paglalagay ng mga babala sa kalusugan sa mga pakete ng sigarilyo, pagtataas ng mga buwis sa tabako at pagbibigay ng tulong sa mga nais huminto.

Ayon pa rito, ang Mauritius at Netherlands ay sumali na ngayon sa Brazil at Turkey sa pagpapatupad ng lahat ng mga inirekumendang hakbang nito.

Sinabi ng WHO na 5.6 bilyong katao, o 71 percent ng world’s population, ang protektado na ng hindi bababa sa isang tobacco control measures — limang beses na mas mataas kaysa noong 2007.

Sinabi ng UN health agency na ang pandaigdigang rate ng prevalence ng paninigarilyo ay bumaba mula 22.8 porsiyento noong 2007 hanggang 17.0 porsiyento noong 2021.

Ayon sa WHO , kung wala ang pagbaba na ito , mayroon nang 300 milyong karagdagang naninigarilyo ngayon.

Ang paninigarilyo ay nananatiling pangunahing sanhi ng maiiwasang kamatayan, na pumapatay ng 8.7 milyong tao bawat taon, kabilang ang 1.3 milyon na namamatay mula sa paglanghap ng second-hand smoke.

Ayon sa WHO, 2.3 bilyong tao sa 44 bansa ang nanatiling hindi protektado ayon sa WHO anti-tobacco measures.

Ang ulat ng WHO ay nagpahayag din ng napakaliit na regulasyon ng mga e-cigarette.

Sa buong mundo, 121 na bansa ang nagpatibay ng ilang panukala sa pagtugon sa mga e-cigarette. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)