Home NATIONWIDE Ex-gov Pryde Teves aapela sa pagmarka sa kanya na terorista

Ex-gov Pryde Teves aapela sa pagmarka sa kanya na terorista

MANILA, Philippines – Ipinahayag ni dating Negros Oriental Governor Pryde Henry Teves nitong Martes na pinaplano niyang iapela ang resolusyon ng Anti-Terrorism Council (ATC) na nag-tag sa kanya bilang isang terorista dahil sa ilang umano’y pagpatay at harassment sa kanyang lalawigan.

“Tinawagan ako ng aking abogado at sinabing pinag-aaralan nila ang batas dahil bagong batas ito, kung paano natin ito iaapela… kung ito ay maapela, at kung saan ito iaapela,” ani Pryde Henry sa interbyu ng dzBB.

Sinabi niya na ang desisyon ng ATC ay nakasa-shock at depressing para sa kanya dahil kailangan niyang iwanan ang kanyang pang-araw-araw na gawain, na sumusuporta sa kanyang pamilya.

Ipinunto ni Pryde Henry na biktima rin siya ng mga teroristang gawain noon na muntik nang magbuwis ng buhay kaya hindi na siya sasali sa mga naturang aktibidad. Ayon sa kanya, hindi siya aalis ng probinsya at hindi rin magtatago.

Nauna nang itinalaga ng Anti-Terrorism Council (ATC) siya, ang kanyang kapatid na si Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr., at 11 iba pa bilang mga terorista dahil sa ilang umano’y pagpatay at harassment sa lalawigan.

Inaprubahan noong Hulyo 26, ang Resolution Number 43 ng ATC ay nag-tag bilang mga terorista sa mga sumusunod na indibidwal na umano’y lumabag sa ilang probisyon ng Anti-Terrorism Act:

Congressman Arnolfo “Arnie” Alipit Teves, Jr.
Pryde Henry A. Teves
Marvin H. Miranda
Rogelio C. Antipolo
Rommel Pattaguan
Winrich B. Isturis
John Louie Gonyon
Daniel Lora
Eulogio Gonyon Jr.
Tomasino Aledro
Nigel Electona
Jomarie Catubay
Hannah Mae Sumero Oray

Sinabi ng ATC na kabilang sa kanilang mga paglabag ang paggawa ng terorismo; pagpaplano, pagsasanay, paghahanda at pagpapadali sa komisyon ng terorismo; recruitment sa at pagiging miyembro sa isang teroristang organisasyon; at pagbibigay ng materyal na suporta sa mga terorista. RNT