MANILA, Philippines – Sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa na magpapatupad ang Department of Health (DOH) ng mas maikling plano sa paggamot para sa tuberculosis — mula sa dating anim na buwan ay ibaba ito hanggang apat na buwan — sa ikatlong quarter ng taong ito.
Sa isang press conference, sinabi ni Herbosa na ang shorter span ng pag-inom ng gamot para sa tuberculosis ay magbibigay ng “mas mahusay na tagumpay” sa pagtatapos ng paggamot nang buo at mapipigilan ang paghahatid ng nakakahawang sakit na kadalasang nakakaapekto sa mga baga.
Ayon kay Herbosa, inirekomenda ng WHO na gamitin ang apat na buwang paggamot para sa regimen–na dalawang buwan ng partikular na listahan ng mga gamot, at isa pang dalawang buwan ng isa pang hanay ng mga gamot.
Binanggit ang 2022 Global TB Report, sinabi ni Dr. Keziah Lorraine Rosario, Presidential Directives on Tuberculosis action officer,na ang Pilipinas ay ika-apat sa mga bansa na may mga kaso ng tuberculosis sa buong mundo.
Kasunod din ang Pilipinas ng India ,Indonesia, Myanmar na nag-aambag sa tinatayang pagtaas ng bilang ng mga tuberculosis deaths.
Karamihan sa mga kaso ng TB sa bansa ay mga adult population at mga lalaki dahil na rin sa katangian ng trabaho, pagkakalantad, kapaligiran at dahil sa transmission sa sambahayan.
Ipinaliwanag din ni Herbosa na ang mataas na bilang ng tuberculosis sa Pilipinas ay dahil sa mga social determinants tulad ng pagtanggi na gamitin ang mga serbisyo ng TB-DOTS program ng gobyerno, mga taong may impeksyon na nagtatago ng kanilang kalagayan dahil sa stigma, at mga informal settlers na naninirahan sa isang masikip na espasyo na dahilan ng mabilis na transmission.
Noong Disyembre 2022, inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang DOH na iprayoridad ang kampanya laban sa tuberculosis kasama ang human immunodeficiency virus (HIV) at COVID-19 infections. Jocelyn Tabangcura-Domenden