CAVITE – Sinuspinde ang klase at pinauwi ang mga estudyante, guro, at empleyado sa apat na campuses ng Cavite State University (CAVSU) matapos makatanggap ng bomb threat noong Martes. Marso 18.
Ayon sa ulat, nakatanggap ng tawag at email ang mga opisyal ng CAVSU sa Silang, Indang, Cavite City, at Bacoor City, na nagsasabing may itinanim na bomba sa kanilang mga campus.
Bandang alas-5:40 ng hapon, nakatanggap ng tawag si Dr. Maria Lea Ulanday, OIC Campus Administrator ng CAVSU Silang, mula kay Dr. Cristina Masibag Signi, Vice President ng unibersidad, ukol sa banta ng bombang itinanim sa kanilang campus. Halos kasabay nito, si Maria Cristina Baesa ng CAVSU Cavite City ay nakatanggap rin ng babala mula kay Dr. Cristina Signo, bagama’t hindi malinaw kung saang bahagi ng campus ito inilagay.
Mas naunang nakatanggap ng email bandang alas-4:12 ng hapon ang CAVSU Indang main campus mula sa nagpadalang gumagamit ng email [email protected], na nagbabantang pasasabugin ang lahat ng satellite campuses, kabilang ang main campus. Hindi idinetalye sa email kung kailan magaganap ang pagsabog.
Bilang pag-iingat, agad na sinuspinde ang klase, pinauwi ang mga estudyante at kawani, at humingi ng tulong sa pulisya.
Agad humingi ng tulong ang pamunuan sa pulisya at EOD Unit ng Cavite PPO. Sa kasalukuyan, wala pang natagpuang bomba sa mga lugar na iniulat na target. Marge Bautista