MANILA, Philippines – TIKLO ang apat na drug suspects, kabilang ang 25-anyos na bebot matapos makuhanan ng mahigit P10 milyon halaga ng marijuana nang kumagat sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Cloocan City, kahapon ng umaga, Marso 11.
Kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Edcille Canals ang mga suspek bilang sina alyas “RamRam”, encoder, alyas “Raul”, 49, alyas “Chris”, 26, construction worker, at “Jahz”, 23, pawang residente ng lungsod.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting District Derictor P/Col. Josefino Ligan, sinabi ni Col. Canals na nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa umano’y ilegal drug activities ng mga suspek.
Nang magawang makipagtransaksyon ng isa sa mga operatiba ng SDEU sa mga suspek, ikinasa nila ang buy bust operation, katuwang ang mga tauhan ng Caloocan Police SS14 at SS15 sa koordinasyon sa PDEA.
Nang matanggap ang signal mula sa isa mga operatiba na nagpanggap poseur-buyer na positibo na ang transaksyon, agad pinasok ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni P/Lt Restie Mables ang isang bahay sa San Lorenzo St., Malaria, Brgy., 185 at inaresto ang mga suspek dakong alas-7:25 ng umaga.
Ayon kay Col. Canals, nakuha sa mga suspek ang 90.5 kilo ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na may katumbas na halagang P10,860,000, buy-bust money na isang tunay na P500 bill at 15 pirasong P1,000 boodle money, tatlong itim na box, dalawang malaking transparent plastic at isang weighing scale.
Kasong paglabag sa Sections 5, 26 at 11 sa ilalim ng Article II ng R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isinampa ng pulisya laban sa mga suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office.
Pinuri ni Col. Ligan ang Caloocan sa kanilang mabilis na pagkilos sa pagbuwag sa isa pang operasyon ng droga, na nagpapatibay sa pangako ng NPD na panatilihing ligtas mula sa ilegal na droga ang mga komunidad. Merly Duero