SAN MANUEL, Isabela – Labis ang pagsisi habang nasa piitan ng pulisya ang suspek matapos saksakin niya ang kanilang nakakatandang biktimang kapatid na umawat lamang sa away ng dalawa nitong nakakabatang kapatid sa Brgy. Nueva Era, San Manuel, Isabela.
Ang biktima ay kinilalang si Benito Felicano, 26-anyos, magsasaka, at residente ng nabanggit na lugar.
Una rito, nakikipag-inuman ang biktima sa kanyang mga kaibigan nang puntahan siya ng kanilang nakababatang kapatid na babae upang magsumbong sa ginawang pagsuntok sa kanya ng suspek na si alyas “John”, 22-anyos.
Dahil dito, kinumpronta ng biktima ang kapatid na lalaki sa ginawa nitong panununtok sa kanilang nakababatang kapatid dahilan upang sila ay magkaroon ng mainit na pagtatalo na kalaunan ay nauwi sa suntukan.
Habang kasalukuyan ang pagtatalo, kumuha ng kutsilyo ang suspek at sinaksak ang biktima sa kanyang tiyan.
Sinubukan pang dalhin sa pagamutan ng kanyang mga kaanak si Benito subalit sa kasamaang palad ay binawian rin ito ng buhay.
Pansamantala nasa kustodiya ng pulisya ang suspek para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon kung tuluyan sasampahan din ng kaso ng kanyang mga kapatid. REY VELASCO