MANILA, Philippines – Nagpakawala ng tubig ang apat na pangunahing dam sa Luzon—Ipo, Ambuklao, Binga, at Magat—dahil sa patuloy na pag-ulan na dala ng Bagyong Emong at habagat, ayon sa PAGASA nitong Biyernes.
Nagbabala ang ahensya sa mga komunidad sa ibaba ng mga dam na maghanda sa posibleng pagbaha.
Sa datos ng 8 a.m., ang Ipo Dam sa Bulacan ay nagbukas ng isang gate na may lebel ng tubig na 100.55 metro, malapit sa normal high na 101 metro. Nanganganib ang Norzagaray, Angat, San Rafael, Bustos, Baliuag, Pulilan, Plaridel, Calumpit, Paombong, at Hagonoy.
Ang Ambuklao at Binga Dams sa Benguet ay nagbukas ng walo at anim na gates, malapit sa normal high na 752 metro at 575 metro.
Pinag-iingat ang mga residente ng Bokod at Itogon laban sa posibleng pagbaha sa kahabaan ng Agno River.
Samantala, umabot na sa 252.88 metro ang lebel ng tubig sa San Roque Dam sa Pangasinan ngunit wala pang pagbubukas ng gate.
Ang Magat Dam sa Isabela ay nagbukas ng isang gate noong Huwebes ng gabi na may lebel na 186.67 metro.
Pinapayuhang maging alerto ang mga bayan ng Ramon, San Mateo, Aurora, Cabatuan, Luna, Reina Mercedes, Burgos, Naguilian, Gamu, at Alfonso Lista sa Ifugao.
Tumaas din ang lebel ng tubig sa Angat at Pantabangan Dams, habang nananatiling mas mababa sa spilling level ang La Mesa Dam. RNT