Home NATIONWIDE 4 na karnaper sa Cagayan, nakorner sa Nueva Vizcaya

4 na karnaper sa Cagayan, nakorner sa Nueva Vizcaya

1
0

STA. FE, Nueva Vizcaya — Nakorner ng mga kapulisan sa Sta. Fe, Nueva Vizcaya ang apat na lalaki na umano’y sangkot sa pagnanakaw ng isang Toyota Fortuner sa Amulung, Cagayan.

Una rito, nangyari ang insidente umaga noong Lunes kung saan ipinarada umano ng may-ari ang kanyang sasakyan sa harap ng isang establisimyento sa Barangay Centro, Amulung, Cagayan.

Nagulat na lamang ang biktima nang pagbalik nito makalipas lamang ang ilang minuto ay hindi na nito makita ang kanyang sasakyan.

Sa tulong ng CCTV, nasapul ang pagtangay ng isang lalaki sa nabanggit na sasakyan.

Kita rin sa footage ang pagsunod ng isang pang kulay-abong sasakyan sa suspek.

Dahil agad na nakipag-ugnayan ang mga pulis sa mga unit sa Nueva Vizcaya, dakong alas-sais ng gabi sa parehong araw ay naabutan ang dalawang sasakyan sa border checkpoint sa Dalton, Barangay Tactac, Santa Fe.

Apat na lalaki na kinilalang sina alyas “Roman,” “Sonny,” “Joel” at “Jules” ang nadakip ng mga awtoridad.

Sa loob ng Fortuner, narekober ang isang Glock 19 Gen 4 pistol na may 13 bala, wallet na naglalaman ng mga ID ng biktima, pati iba pang personal na gamit.

Lumabas din sa imbestigasyon na may magkakasunod na transaksyon sa Fortuner bago ito naiulat na nawawala.

Patuloy itong sinisiyasat ng pulisya, kabilang ang pagkakasangkot at ugnayan ng mga nadakip sa naturang sasakyan.

Pansamantala nasa kustodiya ng Sta Fe Police Station ang apat na kalalakihan habang inihahanda ang kanilang kasong isasampa paban sa kanila. REY VELASCO

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here