Home METRO 4 POGO workers arestado sa illegal detention sa Parañaque

4 POGO workers arestado sa illegal detention sa Parañaque

MANILA, Philippines – Apat na empleyado ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ang nadakip sa isinagawang rescue operation ng Parañaque City police Huwebes ng gabi, Abril 25.

Sa report na isinumite ni Parañaque City police chief P/Col. Reycon Garduque sa Southern Police District (SPD) ay kinilala ang mga inarestong suspects na sina alyas Wu, 29; alyas Fan, 30; alyas Liu, 31; at alyas Xueyu, 33.

Sinabi ni Garduque na nasabat ang mga suspects sa ikinasang rescue operation dakong alas 6:30 ng gabi sa Merville Park, Barangay Merville, Parañaque City.

Ang pagreskyu sa biktima na kinilala lamang sa alyas Zhang, 35, na isa ring Chinese national ay matagumpay na naisakatuparan bunsod sa impormasyon na ipinagkaloob ng live-in partner ng biktima na si Jenny Rose na siyang humingi ng tulong sa pulisya upang masagip ang kanyang nobyo sa kustodiya ng mga suspects.

Ayon kay Garduque, napag-alaman na unang inalok ng mga suspects ng trabaho ang biktima na agad namang sumang-ayon ngunit nang dalhin siya sa lugar ng mga suspects ay nadiskubre niya ang ilegal na aktibidad ng una kung kayat nagtangka na siyang umalis ngunit pinigilan na siya ng mga ito.

Nakakuha naman ng tiyempo ang biktima na kumontak kay Jenny Rose na siyang humingi ng tulong sa pulisya na nagresulta ng pagkakaaresto ng mga suspects.

Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Parañaque City police ang mga suspects na nahaharap sa mga kasong grave coercion at illegal detention. James I. Catapusan