Home NATIONWIDE CWC: Responsible digital parenting kailangan vs. online child abuse

CWC: Responsible digital parenting kailangan vs. online child abuse

MANILA, Philippines – Inihayag ng Council for the Welfare of Children (CWC) ang kahalagahan ng responsableng digital parenting para labanan ang online sexual abuse and exploitation of children (OSAEC).

Ang pahayag na ito ng CWC ay matapos na iulat ng Department of Justice (DOJ) ang pagtaas sa insidente ng OSAEC na may edad ng mga biktima na may average na 11 taong gulang, at ang pinakababa ay tatlong buwang gulang.

Kasabay ng Bagong Pilipinas Ngayon briefing, sinabi ni CWC Executive Director, Undersecretary Angelo Tapales, sa mga magulang na maging mapagmatyag sa pagtukoy ng red flag online.

“Let us be responsible digital parents or digital adults. Para po doon sa mga oldies natin ng kaunti, mag-aral po kayo ng Internet, social media, iyan mga gadget… para po alam po natin kung paano natin tuturuan ang ating mga anak,” ani Tapales.

Sinabi rin na isa sa pinakamalaking problema ay ang “wrong mentality” sa mga facilitator nito.

Ayon sa DOJ report, 41 percent ng mga reported OSAEC incident ay ginawa ng biological parents, habang 42 percent ang ginawa ng iba pang mga kaanak.

“Ang iba pong magulang o mga kamag-anak ng bata ay wala silang nakikitang mali dito dahil pinipiktyuran lang naman daw o bini-video iyong bata.”

“That is something that we want to eradicate, that bad mentality, that wrong mentality kaya po nagki-create talaga tayo ng social awareness, and of course, we want to promote responsible digital parenting.”

Mula 2019 hanggang 2020, nakapagtala na ang DOJ Cybercrime office ng 264 percent increase sa cybertips.

Mula Marso hanggang Mayo 2020, nakatanggap ang DOJ Office of Cybercrime ng 279,166 cybertips, mas mataas kumpara sa 76,551 cybertips sa kaparehong panahon noong 2019.

“Ito po iyong puwedeng imbestigahan ng ating mga pulis and eventually i-pursue at maging kaso,” ani Tapales.

Hinikayat niya ang mga Filipino na tumulong sa pamahalaan sa crackdown laban sa OSAEC sa pag-uulat ng mga kaso sa pamamagitan ng hotline number Makabata helpline 1383.

Nauna nang ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga ahensya ng pamahalaan na paigtingin ang mga pamamaraan nito para labanan ang offenders and abusers ng mga bata. RNT/JGC