MANILA, Philippines – Apat ang nasugatan sa nangyaring sunog na tumupok sa siyam na bahay sa Barangay Tejeros, Makati City, nitong Sabado, Pebrero 21.
Umabot sa ikalawang alarma ang sunog dahil sa bilis ng pagkalat nito dahil sa ang mga magkakadikit na tirahan ay gawa sa light materials.
Ayon kay Fire Inspector Rodulfo Aguilar ng Bureau of Fire Protection (BFP) Makati sa panayam ng ABSCBN News, pahirapan ang pagpasok ng mga bumbero sa lugar dahil sa makikitid na eskinita.
“Dikit-dikit ‘yung bahay at saka luma na rin… Kinailangang iakyat sa second alarm para mas dumami ‘yung mga fire truck natin at maagapan,” sinabi ni Aguilar.
Umabot sa 45 trak ng bumbero ang rumesponde sa sunog.
Samantala, apat na residente ang nasugatan kung saan tatlo ang nakaranas ng pagkahilo at isa ang nagtamo ng first-degree burn.
Wala namang nasawi sa insidente.
Aabot sa P4.8 milyon ang halaga ng pinsala sa ari-arian dahil sa nangyaring sunog.
Kasalukuyan pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog. RNT/JGC