MANILA, Philippines- Apat ang sugatan, kabilang ang isang bumbero, sa sunog na tumupok ng 30 kabahayan sa Parañaque City nitong Sabado ng hapon, Mayo 24.
Kinilala ng Parañaque City Bureau of Fire Protection (BFP) ang mga sugatang biktima na sina FO1 Reynan Jamys Dequina, 26; Alejandro Ariston, 17; Nathaniel Valdepeña, 17; at Adrian Rafael Tolledo, 19.
Si Dequina ay nagtamo ng sugat sa kanyang kaliwang hinlalaki at si Tolledo ay nagtamo ng sugat sa kanang kamay habang sina Ariston at Valdepeña nakagat naman ng aso sa insidente ng sunog.
Base sa imbestigasyon ni SFO2 Giovani Corbes ng Parañaque BFP, nagsimula ang sunog dakong ala-1:35 ng hapon sa likurang bahagi ng kusina sa unang palapag ng two-storey na tahanan na inookupa ng isang Larry Delahida na matatagpuan sa Buho Street, Barangay San Antonio Avenue, San Antonio Valley (SAV) 1, Parañaque City.
Sa laki ng apoy ay agad na idineklara ang ikalawang alarma bandang ala-1:54 ng hapon hanggang sa maapula ang apoy dakong alas-4 ng hapon.
Umabot sa 30 kabahayan na gawa lamang sa semi-light materials ang tinupok ng apoy na naging dahilan ng pagkakaapekto ng 70 pamilya, kung saan aabot sa 210 indibidwal ang nawalan ng kanilang tirahan.
Ayon kay Corbes, tinatayang nasa P135,000 ang halaga ng napinsalang ari-arian sa naganap na sunog habang patuloy ang kanilang imbestigasyon upang matukoy ang dahilan at pinagmulan ng sunog. James I. Catapusan