Home OPINION 4 VICE PRESIDENT DEDMA SA SONA

4 VICE PRESIDENT DEDMA SA SONA

198
0

KLARO nang apat na Bise Presidente ang hindi dadalo sa State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Bongbong Marcos sa Hulyo 22, 2024

Sina Noli de Castro na nahalal noong 2004-2010; si Jojo Binay – 2010-2016; at si Leni Robredo – 2016-2022 ang tatlo.

Pang-apat si kasalukuyang Vice President Sarah Duterte.

Wala namang nakatitiyak kung dadalo rin ang mga buhay pang naging Pangulo ng bansa bagama’t sinasabi ng mga taga-imbita ng Palasyo at Kongreso na 99 porsyento ang nagsabing dadalo sila.

KONTROBERSYAL

Dedma ang ilang kongresman sa hindi pagdalo nina De Castro, Binay at Robredo.

Pero itong si VP Sara ay pinagpapaliwanag nila kung bakit hindi dadalo kaya naging kontrobersyal ang isyu.

Ang dapat umano, ipakita ng lahat ng mga namumuno ng bansa ang pagkakaisa at hindi ang pagkahati-hati bilang halimbawa sa mga mamamayan.

Lalo ngayong napakaraming isyu gaya ng kahirapan; problema sa West Philippine Sea; sobrang inflation o mataas na presyo ng mga bilihin at serbisyo, kasama ang bigas; mababang sahod; milyones na walang trabaho; pagdagsa ng mga droga hindi lang sa lupa kundi sa karagatan gaya ng sa Ilocos Region; matinding mga krimen na ikinapapaslang ng mga dayuhan; pagdududa sa integridad ng Senado sa tila “overpriced na New Senate Building”; bilyong korapsyon umano sa bagong kontrata ng Commission on Elections sa automated elections; at marami pang iba.

Kailangan ang pagpapakita umano ng pagkakaisa ng mga namumuno para harapin at solusyonan ang lahat ng mga nasabing isyu na sa totoo lang ay pawang mga katotohanan na dapat naman talagang tugunan.

Sa pakikinig naman ng ULTIMATUM sa ating Uzi, anak ng tokwa, sino raw ang gaganahang dumalo sa okasyong may mga nakaismid sa tabi-tabi?

Pero ang isang mahalaga, nagpasya na si Inday na hindi dadalo at sinabi nito nang hayagan at hindi dinaan sa paintrigang paraan gaya ng pananahimik,  hindi pagdalo at paninira sa SONA at sa Presidente pagkatapos.

Isa pa, tunay namang boluntaryo at hindi sapilitan ang pagdalo sa SONA.

Mahalaga rin ang sinabi ni dating Supreme Court Justice Adolfo Azcuna na hindi siya kailangan doon at walang trabaho sa SONA ang Vice President.

KAUNA-UNAHAN

Sinasabing kauna-unahang pangyayari sa kasaysayan ng SONA ng Pinas ang hindi pagdalo ng nakaupong Vice President.

At dahil nga rito, ang daming satsat na lumalabas.

Ang nakatatawa lang, mga Bro, marami sa mga nagsusulsol sa paghihiwalay nina Pang. Bongbong at VP Sara ang siyang naghahabol ng pagkakaisa at pagdalo ng huli bilang pagpapakita umano ng pagkakaisa sa harapan ng taumbayan at mga dayuhan.

Kahit ano umano ang totoong nangyayari.

Anak ng kagaw naman, oo, gusto pa nilang magmukhang ipokrito si VP Sara at pagkatapos, tuloy-tuloy nilang pagsisiraan ito sa loob at labas ng Kamara dahil sa nalalapit nang halalang 2025.

Pero kung susubaybayan ninyo, mga Bro, sina Pang. Bongbong at VP Sara, hindi naglalabas ng sama ng loob sa isa’t isa, hindi sila nagsisiraan hanggang sa tinitipa ito.

Ang mga nasa pali-paligid lang nila ang walang tigil sa pagngangakngak at nag-uudyok sa dalawa na maghiwalay ng landas at magsaulian ng kandila.

Ayaw yata ni Manang Imee Marcos ang ganyan!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here