Home NATIONWIDE 400 health centers na ‘di mapakinabangan, iniimbestigahan na ng DOH

400 health centers na ‘di mapakinabangan, iniimbestigahan na ng DOH

409
0

MANILA, Philippines — Iniimbestigahan na ng Department of Health (DOH) ang humigit-kumulang 400 health centers sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program (HFEP) na hanggang ngayon ay halos hindi pa rin nagagamit, ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa nitong Linggo, Oktubre 5.

“Actually the DOH has been investigating these anomalies way before media picked it up,” ani Herbosa, bagama’t hindi niya tinukoy ang mga natuklasan sa imbestigasyon.

Sa isang pagdinig sa Kongreso kamakailan, inihalintulad ni Herbosa ang mga health center na ito sa mga flood control project ng Department of Public Works and Highways (DPWH), dahil sa dami ng proyektong natapos pero hindi napapakinabangan.

Ang HFEP, na inilunsad noong 2008, ay pangunahing programa ng DOH na layong tiyaking may access sa serbisyong pangkalusugan ang mga mahihirap at liblib na komunidad.

“Several actions have been taken already and we continue to do case buildup,” dagdag pa ni Herbosa, ngunit tumangging magbigay ng detalye.

Ayon naman kay Health Assistant Secretary Albert Domingo, ang mga aksyon ng kagawaran ay “meant for mandated investigative bodies and the formal courts of law,” at ilalantad lamang “sa tamang panahon at sa tamang legal na forum.”

Dagdag ni Herbosa, pinag-aaralan din ng DOH kung paano magagamit ang mga natapos na ngunit hindi gumaganang pasilidad.

Si Akbayan Rep. Chel Diokno ang unang nagtanong kung bakit 200 lang sa 600 health centers sa ilalim ng HFEP ang aktibong ginagamit, kahit may mahigit P170 bilyong pondo na inilaan sa nakalipas na dekada.

Nilinaw naman ni Bataan Rep. Albert Garcia, sponsor ng budget ng DOH, na walang “ghost hospitals,” ngunit kakulangan ng health personnel ang dahilan kung bakit hindi gumagana ang ilan sa mga pasilidad.

Ani Garcia, nakipagkasundo ang DOH sa mga lokal na pamahalaan “in good faith” para sila ang maglaan ng mga tauhan sa mga health centers.

Gayunman, napatigil ang diskusyon matapos mailantad ni Iloilo Rep. Janette Garin ang iba pang isyung kinahaharap ng DOH, kabilang ang P1-bilyong budget para sa beautification ng DOH offices, P458-milyong research fund, at ang planong P7.5-milyong donasyon sa World Health Organization (WHO) sa loob ng tatlong taon.

Ayon kay Garin, dapat gamitin na lamang ang mga pondong ito para sa pasiyenteng nangangailangan, universal health care, o pagkuha ng mas maraming doktor at nurse.

“The President wants zero-balance billing, while hospitals are asking for bigger funds. But how did [this] pass through the Department of Budget and Management—that there is about P1 billion intended not for hospitals and rural hospitals, but for ‘beautifying’ DOH offices?” tanong ni Garin. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here