MANILA, Philippines – Arestado ng mga awtoridad ang isang Swiss citizen sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City sa kaugnayan nito sa mga sex crime sangkot ang mga bata, ayon sa Bureau of Immigration (BI) nitong Linggo, Oktubre 5.
Naharang ang 66-anyos na lalaki ng immigration officers sa NAIA Terminal 1 noong Setyembre 29 matapos nitong tangkain na sumakay ng flight patungong Bangkok, Thailand.
Siya ay naaresto kalaunan ng fugitive search unit (FSU) ng BI matapos makumpirma ang kanyang mga dating kinasangkutang sex crimes.
Sa rekord, ang suspek ay may dalawang dating convictions sa Switzerland noong 2017 at 2021 na may kaugnayan sa distribusyon ng child pornography.
Noong 2024, sinimulan ng Public Prosecutor’s Office of the Canton ng Aargau, Switzerland ang criminal proceedings sa mga bagong alegasyon ng pagkakaroon nito at pagpapakalat ng child sexual abuse material.
Sa kabila nito ay lumipad palabas ng kanilang bansa ang akusado habang nagpapatuloy ang pagdinig.
Nanatili sa Pilipinas ang Swiss national ng mahigit tatlong linggo at hinihinalang bumibisita sa iba’t ibang bansa sa Southeast Asia para maghanap ng mabibiktima.
Nasa kustodiya ng warden facility ng BI ang Swiss national habang naghihintay ng deportation.
Sa oras na maipa-deport ay ilalagay ito sa blacklist at habambuhay na ipagbabawal na ang pagpasok niya sa bansa. RNT/JGC