Home METRO 9 sugatan sa sunog na sumiklab sa Makati

9 sugatan sa sunog na sumiklab sa Makati

408
0

MANILA, Philippines – Siyam na indibidwal, kabilang ang dalawang senior citizen, ang sugatan sa sunog na nagsimula sa isang hardware store madaling araw ng Linggo, Oktubre 5.

Sa inilabas na report ng Makati City Bureau of Fire Protection (BFP), sumiklab dakong alas- 12:34 ng madaling araw ang sunog sa nabanggit na hardware store na matatagpuan sa kanto ng Washington at Facundo Streets.

Sa naturang sunog ay nakaramdam ng hirap sa paghinga dulot ng makapal na usok ang 75-taong-gulang na may-ari ng tindahan habang ang isa pang senior citizen na 60-taong-gulang ay nagtamo naman ng first degree burns kung saan agad na binigyan ng first aid ang mga ito ng mga rescuers.

Tatlo sa pito pang biktima ang napag-alamang tumalon mula sa ikalawang palapag ng nasusunog na gusali upang makaligtas sa apoy, kung saan namaga ang likod, kanang paa at bewang ng isang biktimang 24-anyos na babae; nagtamo ng paso sa kanang balikat ang isang 30-anyos na lalaki samantalang nagasgas naman ang kanang paa ng 36-taong-gulang na lalaki.

Mabilis namang napagkalooban ng agarang lunas ang kanilang mga tinamong sugat sa katawan.

Nakaranas naman ng pagkahilo, panghihina, pananakit ng dibdib, panginginig ng katawan at pagsakit ng ulo ang 17-taong-gulang na babae; mga gasgas sa kanyang dalawang tuhod at hita ang 22-taong-gulang na lalaki; ang 23-anyos na lalaki ay nagtamo ng sugat sa kanyang dalawag kamay habang ang 42-taong-gulang na lalaki ay nagtamo naman ng mga paso sa kaliwang tagiliran, mga daliri at hita.

Itinaas ang alarma ng sunog ng 12:34 ng madaling araw habang naideklara naman ang fire out bandang alas 2:44 ng umaga.

Ayon sa mga residente, nakaimbak sa loob ng nasunog na tindahan ang mga flammable materials tulad ng pintura, thinner, at iba pang madaling masunog na bagay.

Patuloy ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng mga arson investigators upang matukoy ang pinagmulan at sanhi ng sunog gayundin ang halaga ng ng mga napinsalang ari-arian. James I. Catapusan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here