MANILA, Philippines – Pinag-aaralan ng Department of Education (DepEd) ang “4+1” blended learning model kung saan apat na araw na face-to-face classes at isang araw na online learning ang mga estudyante.
Layunin nitong mabawasan ang siksikan sa mga classroom habang tinutugunan ang kakulangan sa mga silid-aralan.
Ayon kay Sonny Angara, isa ito sa mga hakbang na sinusuri ng DepEd habang pinapabilis ang pagtatayo ng mga bagong classroom.
Ipinresenta ang plano sa 2026 General Assembly ng League of Municipalities of the Philippines sa Pasay City, kung saan hinikayat ni Angara ang mahigit 1,300 mayor na makipagtulungan sa gobyerno upang matugunan ang kakulangan sa classroom.
“We are no longer content with the old system. We are changing the way we deliver to make it faster, more efficient, more effective, and more transparent,” ani Angara.
Sinabi rin niya na mahalaga ang papel ng mga lokal na pamahalaan sa pagpapabilis ng mga proyekto sa paaralan.
“Education is a shared responsibility, and our LGUs are the best-positioned partners to ensure these funds are translated into actual, usable classrooms for our learners,” dagdag niya.
Sa kasalukuyan, umaabot sa humigit-kumulang 165,000 ang kakulangan sa mga classroom sa bansa.
Kabilang sa mga hakbang ng DepEd ang pagtatayo ng 30,000 classroom hanggang 2028 at 16,000 classroom sa mga lugar na matindi ang siksikan sa pamamagitan ng Public-Private Partnerships sa ilalim ng PPP for School Infrastructure Project Phase III.
Pinag-aaralan din ang pagpapalawak ng voucher program para sa primary education upang mas maraming estudyante ang makapasok sa private schools at mabawasan ang bilang sa public schools.
Tinitingnan din ng DepEd ang posibilidad na mag-lease o bumili ng mga foreclosed private property na maaaring gawing humigit-kumulang 1,000 classroom, at humihingi rin ng tulong sa pribadong sektor upang makapagtayo ng 2,000 karagdagang learning spaces.
Sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act, pinapayagan na rin ang mga local government unit na manguna sa pagpapatayo ng mga school building kasama ang Department of Public Works and Highways at Armed Forces of the Philippines Corps of Engineers.
Isinusulong din ng DepEd ang paggamit ng pre-fabricated Learning Continuity Spaces, na nasubukan na sa Masbate at Davao del Norte. Aabot sa 2,571 units ang planong ilagay ngayong taon sa 1,017 munisipalidad.
Sa nasabing pagpupulong, lumagda rin ang DepEd at ang League of Municipalities sa isang memorandum of understanding upang pabilisin ang pagtatayo ng mga classroom sa buong bansa. RNT/MND