MANILA, Philippines- Inihayag ng pamunuan ng Bureau of Immigration (BI) na ang 41 na mga dayuhan na inaresto sa Bataan ay kinakailangang humarap sa ahensya para sa kanilang reportorial obligation.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, ang nasabing mga dayuhan na humarap sa tanggapan ng BI Intelligence Division matapos ang kanilang physical custody noong Nobyembre 25 ay pansamantalang inilipat sa Bataan Representative Albert Garcia at ang kanilang legal counsel.
Bilang kondisyon ng kanilang paglipat ng kustodiya sila ay inaatasan na humarap sa tanggapan ng BI sa Intramuros nang bi-monthly.
Ang 41 na mga dayuhan na iba’t- ba ang kanilang lahi ay kinabibilangan ng 22 Malaysian, 22 Chinese, isang Pakistan, dalawang Vietnamese, anim na Bangladesh, isang Indonesian, anim na Brazilian at 11 Thai.
Nilinaw ni Viado na ang kaso ng nasabing mga dayuhan ay nanatiling aktibo at isasailalim sa due process ayon sa direktiba ng Malacanang pero posibleng mahaharap sila sa deportasyon sa kaso ng undesirability.
Ang 41 na mga dayuhan ay kasama sa mga inaresto ng Philippine Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa Central One Bataan noong Oktubre 31.
Sa nasabing grupo, si Handoyo Salman, 40, ay napa-deport na noong Nobyembre 21 matapos mapatunayang pugante.
Paliwanag pa ni Viado, ang kaso ng 41 na dayuhan ay nagpapatuloy at kung napatunayan na mayroon silang sala ay ipade-de port din sila sa ilalim ng Philippine immigration laws.
Dagdag pa ni Viado, hindi makatatakas ang nasabing mga dayuhan dahil hawak ng ahensya ang kanilang mga pasaporte at ang pangalan nila ay nasa listahan ng BI hold departure list. JR Reyes