MANILA, Philippines- Umaasa and Department of Social Welfare and Development (DSWD) na matutuldukan na ang mga karahasan laban sa mga kababaihan bunsod ng mga isinusulong na programa ng pamahalaan at DSWD para protektahan ang mga kababaihan.
Ayon sa DSWD, nababahala sila sa patuloy na karahasan na nagaganap sa mga kababaihan at ang paglabag sa mga karapatan nito.
Nabatid sa DSWD nitong nakalipas na taon, nakapagtala ang PNP ng mahigit sa 10,000 karahasan sa mga kababaihan at paglabag sa mga karapatan nito.
Sa ginanap na DSWD Thursday Forum nitong Huwebes (Nobyembre 28), sinabi ni Atty. Aiza Riz Perez-Mendoza Director lll, Office of the Undersecretary for International Affairs and Attached and Supervised Agencies ng DSWD na sa 10,000 paglabag sa karapatan ng mga kababaihan kabilang dito ang pisikal, emosyonal, sekswal na karahasan, panlipunang karahasan.
“Mas marami na ngayon mga kababaihan ang lumalabas at nagsasampa ng reklamo para ipagtanggol ang kanilang sarili sa pang-aabuso” sabi pa ni Mendoza.
Lumabas sa datos ng PNP na iprinisinta ng Philippine Commission on Women sa Kamara, nakapagtala ang pulisya ng 1,425 kaso ng gender-based violence sa buong bansa.
Kabilang dito ang karahasan sa mga kababaihan at bata, tulad ng pambubugbog na umabot sa 1,184; 122 kaso ng panggagahasa; at 90 kasong acts of lasciviousness o iba pang uri ng pambabastos.
Kaugnay nito, sinabi ni Carol B. Nuyda Social Welfare Officer lll Program Management Bureau ng DSWD na ang batas para sa Bawal ang Bastos Law ay nagbibigay din ng proteksyon sa mga kababaihan para protektahan ang karapatan ng mga kababaihan.
Sinabi pa ng DSWD na ang Domestic Violence (DV) ay karahasan na dinadanas mula sa asawa, kasintahan o malapit na kaanak. Karamihan sa mga biktima ay kababaihan ay hindi rin pinapahintulutan ng pamahalaan at isa itong paglabag sa karapatan ng kababaihan. Santi Celario