SINABI ng Department of Agrarian Reform (DAR) na aabot sa 42,000 titulo ng lupa ang naipamahagi sa mga benepisyaryo ng magsasaka sa loob ng unang kalahati ng taon.
“Itong taon na ito, ito pa ang pangkalahati ng taon, nakaka-42,000 na titulo na ang ating napapamahala sa ating agrarian reform beneficiaries”, sinabi ni DAR Secretary Conrado Estrella Jr. sa panayam ng state-run PTV-4.
Ayon sa Kalihim target aniya ng agrarian reform department na maipamahagi ang 100,000 titulo ng lupa sa mga farmer-beneficiaries ngayong taon.
“So nakikita mo ang trajectory, pataas ‘yan. Pipilitin namin na maka 100,000 itong taon na ito,” ayon sa DAR chief.
Ayon kay Estrella, kailangan pang ipamahagi ng ahensya ang humigit-kumulang 900,000 titulo ng lupa.
“Supposedly, iyan ay 1.3 million, ‘yung 300,000 ‘yan ang problemado, eh. Nasa court sila ngayon. Hanggat hindi nagdidisisyon ang korte, wala tayong magagawa” ayon pa dito.
Noong Hulyo 5, namahagi sina Pangulong Marcos at Estrella ng 2,566 na titulo ng lupa na sumasaklaw sa 3,009.5 ektarya sa 2,857 agrarian reform beneficiaries sa Mindanao Civic Center sa Tubod, Lanao del Norte.
Kaugnay nito nakatanggap ang pitong organisasyong benepisyaryo ng repormang agraryo ng P2.6 milyong halaga ng makinarya at kagamitan sa pagsasaka para mapahusay ang produktibidad ng agrikultura, dagdag ng DAR.
Nauna rito noong 2023, namahagi ang DAR ng halos 70,000 titulo ng lupa sa mga benepisyaryo ng repormang agraryo. Santi Celario