MANILA, Philippines – Mahigit 4,200 overseas Filipinos na ang nakauwi ng bansa kasunod ng pagdating ng ikapitong batch ng repatriates nitong Biyernes, Abril 3 mula sa Middle East.
Ito ay dahil pa rin sa nagpapatuloy na tensyon sa Middle East.
Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, kabuuang 4,241 repatriates ang napauwi na ng pamahalaan kasunod ng pagdating ng pinakabagong batch ng 344 returning Filipinos mula sa United Arab Emirates (UAE) nitong Biyernes ng hapon.
“Patuloy lang natin isasagawa ito as long as may mga Pilipinong nagnanais umuwi, lalo na mga OFWs sa ating Mahal na Bayan,” sinabi ni Cacdac.
Ang mga repatriate ay bumyahe sakay ng flight TVR 7737, na umalis mula sa Abu Dhabi International Airport at lumapag sa Villamor Airbase sa Pasay City.
Sinalubong ang mga ito ng mga staff ng DMW at Overseas Workers’ Welfare Administration (OWWA).
Ani Cacdac, nitong Semana Santa ay nasa 1,000 Pinoy ang nakatanggap ng repatriation assistance mula sa pamahalaan.
Marami pang inaasahang repatriation flights sa mga susunod na araw.
Samantala, sinabi ni OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan na nagpaabot ng suporta ang kanyang opisina para sa post-repatriation assistance, katulad ng pagtulong sa mga ito na makauwi sa kani-kanilang bayan at makabalik sa pamumuhay dito sa Pilipinas.
“Nagbibigay kami ng repatriation flights pabalik ng Maynila, post-repatriation services, domestic flights sa probinsya, land transportation assistance, hotel accommodation, meals, may financial assistance tayong binibigay,” pagbabahagi niya.
“Pagdating sa mga regions, para sa mga OWWA members, mayroon tayong livelihood assistance, start-up capital, mayroon tayong training assistance… Patuloy na tutulong ang pamahalaan,” dagdag pa nito. RNT/JGC