Home METRO 44 ismagel na Ferrari, Maserati, Rolls Royce nasabat ng BOC

44 ismagel na Ferrari, Maserati, Rolls Royce nasabat ng BOC

MANILA, Philippines – KINUMPISKA ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang nasa tinatayang P900 milyon halaga ng mga ismagel na high-end luxury cars sa isinagawang operasyon sa Taguig City nitong Pebrero 19, 2025.

Nabatid sa BOC na ang pagkakasamsam sa 44 na unit, kabilang ang Ferrari, Maserati, at Rolls Royce, ay ang ikatlong raid na isinagawa ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) sa mga auto shop sa Metro Manila na nagbebenta ng mga mamahaling sasakyan.

Ito ay kasunod ng dalawang magkasunod na operasyon sa ₱1.4 bilyon at mahigit ₱366 milyong halaga ng umano’y mga smuggled na sasakyan na nakumpiska noong nakaraang linggo sa mga lungsod ng Parañaque, Pasay, at Makati.

Nabatid sa CIIS, ang mga kotseng natagpuan sa isang auto shop sa Taguig City ay kinabibilangan ng maraming unit ng Ferrari, Mercedes-Benz, Porsche, Lexus, at BMW models, Rolls-Royce, Lamborghini, McLaren, Maserati, at Dodge, bukod sa iba pa.

Sa loob ng 15 araw pagkatapos matanggap ang Letter of Authority (LOAs), ang mga responsable sa bodega at mga sasakyan, kabilang ang mga may-ari, lessee, lessor, at kinatawan, ay kailangang magsumite ng mga dokumentong nagpapatunay ng wastong pagbabayad ng mga tungkulin at buwis.

“If found without proper documents, they will face charges in violation of Sections 1400, 1401 in relation to Section 1113 of Republic Act 10863, otherwise known as the Customs Modernization and Tariff Act (CMTA),” ayon sa BOC. JR Reyes