MANILA, Philippines – Nasamsam ng mga awtoridad ang 44 kilo ng marijuana na umano’y ibinabagsak sa mga estudyante sa University Belt sa isang operasyon sa Sampaloc, Maynila.
Naaresto ang 40-anyos na suspek na si alias Ramil sa isang buy-bust operation ng Sampaloc Police Station.
Ayon kay Police Lt. Col. Brillante Billaoac, dalawang buwan nang minamanmanan ang suspek bago siya nahuli. Isang impormante ang nagbigay ng tip sa Station Drug Enforcement Unit (SDEU) tungkol sa kanyang taguan ng droga, kaya agad isinagawa ang operasyon. Isang pulis ang nagpanggap na buyer, at gamit ang P10,000 boodle money, agad naaresto ang suspek.
Nakumpiska ang dried marijuana leaves na may halagang P5.3 milyon sa lansangan.
Ayon kay Police Major Gil John Lobaton, ang packaging ng droga ay kahalintulad ng mga galing sa hilagang bahagi ng bansa.
Sinusuri pa kung paano ito nadala sa Maynila, kung pribadong sasakyan o pampublikong bus, na naka-disguise bilang pakete ng pagkain para sa hayop.
Ang suspek ay dati nang nakulong sa kasong may kaugnayan sa droga ngunit pinalaya noong Nobyembre ng nakaraang taon. Tumanggi siyang magbigay ng pahayag. RNT