MANILA, Philippines – Matinding selos ang naging dahilan ng asawang lalaki matapos pagsasaksakin hanggang sa mapatay ang kanyang dating misis sa loob ng isang eskwelahan sa Las Piñas City Lunes ng umaga, Marso 10.
Sa report na isinumite ni Las Piñas City police chief P/Col. Sandro Jay Tafalla kay Southern Police District (SPD) director PBGen Manuel Abrugena ay kinilala ang nadakip na suspek na si alyas Dennis, 38, public coordinator services ng Bacoor, at residente ng Polido Compound, Panapaan 3, Bacoor, Cavite.
Hindi na umabot pa ng buhay nang isugod sa Alabang Medical Hospital sanhi ng 37 saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang biktima na dating asawa ng suspect na si alyas Rose, 51, public school teacher sa Lydia Aguilar National High School (LANHS), naninirahan sa 38 Aerospace, CAA, BF International, Las Piñas City.
Sinabi ni Tafalla na base sa isinagawang imbestigasyon, nangyari ang insidente bandang alas 8:45 ng umaga sa Lydia Aguilar National High School (LANHS) na matatagpuan sa Camia St., TS Cruz Subd, Brgy. Almanza Dos, Las Piñas City.
Ayon kay Tafalla, nagtungo ang suspect sa eskwelahan kung saan nagtuturo ang biktima at dumiretso sa faculty office at nang makita nito ang kanyang dating asawang biktima ay bumunot ito ng patalim at paulit-ulit itong inundayan ng saksak.
Nasaksihan pa ng ilan sa mga kasamahang guro ng biktima ang pangyayari ngunit walang nagawa ang mga ito dahil sa takot na baka sila ang mapagbalingan ng suspect.
Mabilis na rumesponde ang mga miyembro ng Las Piñas City police na nagresulta ng agarang pagkakadakip ng suspect gayundin sa pagkarekober ng 12-pulgadang kutsilyo na ginamit sa krimen.
Napag-alaman kay Tafalla na nagsama ng hindi man lang nagkaanak ang dating mag-asawa noong 2011 at nagsama ng 13 taon bago sila naghiwalay nitong nakaraang 2024 dahil sa sobrang pagkaseloso ng suspect.
Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Station Investigation and Detection Management Section (SIDMS) ang suspect habang inihahanda ang isasampang kasong parricide laban sa kanya sa Las Piñas City Prosecutor’s Office. (James I. Catapusan)