
SINO kayang mga bugok ang nasa likod ng balitang tumakas daw si dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil naglabas na raw ng warrant of arrest ang International Criminal Court?
Halatang may kumilos sa pagpapaputok ng “kuryenteng balita” na ito para lumikha ng isang malaking balita na naman laban kay Duterte.
Basta nga naman isyu laban sa mga Duterte ay nagiging laman ng mga balita.
Natatabunan ang mga importanteng isyu na dapat pag-usapan sa pamahalaan gaya ng korapsyon ng mga nasa poder.
Malinaw na “kuryente” o fake news na may inilabas na arrest warrant ang ICC laban sa dating chief executive dahil mismong ang mga kritiko ni FPRRD ay hindi ito makumpirma.
Sinabi ni Solicitor General Menardo Guevarra na wala ring inilalabas na “notice” ang ICC hinggil dito.
Hindi tumakas si President Digong bagkus ay nagtungo siya sa Hong Kong para makipagpulong at magpasalamat na rin sa mga OFW doon, kasama ang anak niyang si Vice President Sara Duterte.
Mainit na sinalubong sina FPRRD at VP Sara ng OFWs sa Hong Kong na para bang matagal silang nawalay sa kanilang tatay at kapatid.
Pero ang balitang ito ay pinapapangit ng mga kaaway ng mga Duterte para palabasing sila ay masasamang tao o tumatakas at nagtatago sa batas.
******************
Kung tungkol sa masamang balita ay heto iyon:
May dalawang pulis na napatay habang nagsasagawa ng drug buy-bust operation sa Bulacan.
Isa namang 3-anyos na babae ang ginahasa at pinatay ng kanyang kuya na nakadroga.
Tahimik ang mga kritiko ng drug war ni Duterte sa isyung ito. Wala silang masabi.
Kapag pulis ang nakapapatay ng mga tulak, nariyan sila at katakot-takot na pag-iingay ang ginagawa. Binabatikos pa ang mga alagad ng batas na ginagawa lang ang tungkulin para iligtas ang taumbayan sa epekto ng ipinagbabawal na gamot.
‘Yan ang masamang epekto ng droga. Ang mga adik ay nagagawang manggahasa at pumatay kahit kanyang kadugo.
Wala bang gagawing imbestigasyon ang QuadCom ng Kongreso hinggil sa mga balitang ito? ‘Yun bang pasalamatan at papurihan man lang ang dalawang napatay na pulis sa kanilang pagtupad sa trabaho?