Home OPINION OVERLOADING, BATAS SA PAGBAGSAK NG TULAY

OVERLOADING, BATAS SA PAGBAGSAK NG TULAY

ANO ba talaga ang mga dahilan ng pagbagsak ng isang bahagi ng halos isang kilometrong tulay sa Sta. Maria-Cabagan, Isabela?

Nagtatanong tayo, mga Bro, dahil sa paglabas ng iba’t ibang kuro-kuro sa dahilan ng disgrasya.

Una, disenyo at pagtitipid ang may problema, ayon kay Pangulong Bongbong Marcos.

Ikalawa, substandard o talagang mahina dahil nilamon ng korapsyon, bintang naman ng iba.

Ikatlo, overloading ng dumaang trak at hindi tugmang batas.

DISENYO AT TIPID SA BADYET

Mismong si Pang. Bongbong ang nagsabing mali ang disenyo at tinipid ang pondo.

Kabilang sa mga palatandaan umano ng maling disenyo ang paggamit ng bakal, sa halip na kable, ang pambitin ng sahig.

‘Yun bang nakitang nakalawit na pambitin mula sa mga arko hanggang sa mga flooring.

Naganap lahat ito dahil mula umano sa badyet na P1.8 bilyon, ibinaba ito sa P1.2B.

Tanong: Sino ang nagbaba ng badyet at ano ang dahilan?

SUBSTANDARD SA KORAPSYON

Agad na nagkaroon ng mga negatibong reaksyon ang marami at sinabing korapsyon o pandarambong ang dahilan.

May nagbulsa ng P50 milyon pababa sa pondo kaya may korapsyon o may nangikil ng mahigit sa P50M kaya may pandarambong, anila.

Dinenay ni Department of Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan na may korapsyon kahit tanungin pa umano ang mga taga-rehiyon na nagpatupad ng proyekto.

Pero hindi siya pinaniniwalaan dahil talamak ang korapsyon o pandarambong naman umano sa departamento.

Tanong: Talaga bang walang korapsyon na maaaring ikadamay pati ng mga lokal na pamahalaan sa Isabela?

OVERLOADING AT BATAS

Ayon kay Engineer Alberto Cañete na awtor ng Bridge Code o Bata sa Tulay, dinisenyo ang tulay ayon sa batas na umiiral simula noong 1977 hanggang 2015 at noong 2014 sinimulang itayo ang tulay na sakop ng lumang batas.

Nang dumating ang taong 2015, binago ang nasabing batas para maging mas malakas at matibay ang mga susunod na tulay.

Kaya simula umano noong 2019, sinimulan na ang retrofitting o pagpapalakas at pagpapatibay sa nasabing tulay na sumakop ng walong flooring ng tulay na natapos nitong Pebrero 2025 para umakma sa 2015 bagong batas.

Kaya naman, hindi umano bumagsak ang tulay sa pagdaan ng trak sa unang walong flooring at sa ika-9 naganap ang disgrasya.

Akma umano ang retrofitted na mga bahagi sa pambansang sukatan o standard na nasa 45 toneladang bigat para sa lahat ng sasakyan, ngunit, nasa 102 tonelada umano ang buong bigat ng trak, kasama ang kargada nito.

Ten-wheeler pa umano ang ginamit na trak sa halip na 18-wheeler ang haba kaya ang konsentrasyon ng bigat ng sasakyan ay nasa maigsing bahagi lang ng flooring ng tulay.

HUMALAW NG LEKSYON

Batay sa paliwanag ni Cañete na tila higit na kapani-paniwala kaysa sa iba, bagama’t hindi isinasantabi ang ibang mga dahilan, dapat na magsilbing leksyon ang buong pangyayari.

Isa sigurong leksyon ang pagbubukas ng isipan sa muling paggawa ng bagong batas para malabanan ang overloading, pagsunod sa disenyo, paggawa at tamang materyales nang may tamang badyet at paggiba sa korapsyon na laging kakambal ng ganitong mga proyekto.