Home NATIONWIDE 48th ASEAN sesentro sa usaping enerhiya, sapat na suplay ng pagkain

48th ASEAN sesentro sa usaping enerhiya, sapat na suplay ng pagkain

70
0

MANILA, Philippines – Tutuon ang 48th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Mayo sa mga isyung pang-enerhiya, seguridad sa pagkain, at proteksyon ng mga mamamayan ng ASEAN sa ibang bansa sa gitna ng patuloy na global disruptions, partikular ang tensyon sa Middle East, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Sinabi ni Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro na handa na ang Pilipinas na mag-host ng mataas na antas na pagpupulong sa Cebu sa Mayo 8, kung saan dadalo ang mga lider at matataas na opisyal ng ASEAN member states.

“Our focus will be on the most pressing imperatives of our time—fortifying energy security, stabilizing food supplies and, above all, guaranteeing the absolute safety and welfare of ASEAN nationals, no matter where they are in the world,” ayon sa kanya sa isang forum sa Indonesia.

Ayon kay Lazaro, ipinapakita ng summit ang mas pinatitibay na pagkakaisa ng ASEAN sa pagtugon sa mga krisis sa rehiyon at mundo, kabilang ang epekto ng kaguluhan sa Middle East at mga aberya sa supply chain na may kaugnayan sa Strait of Hormuz, isang mahalagang ruta ng pandaigdigang suplay ng langis.

Ang pagpupulong sa Cebu ang una sa dalawang ASEAN summit na iho-host ng Pilipinas sa 2026, kasunod ng 49th ASEAN Summit at Related Meetings sa Pasay City sa Nobyembre.

Tungkol sa Myanmar, sinabi ni Lazaro na patuloy ang papel ng Pilipinas sa pagpapadali ng ugnayan ng mga stakeholders sa ilalim ng ASEAN Five-Point Consensus, at iginiit na mahalaga ang ganap na pagsunod dito.

Binigyang-diin niya na kahit may ilang pagbabago sa pulitikal na sitwasyon sa Myanmar, hindi pa rin ganap na naipatutupad ang nasabing 2021 peace framework.

Aniya, nananatiling ito ang pangunahing batayan ng ASEAN sa pagharap sa sitwasyon sa Myanmar.

Sa usapin naman ng South China Sea, sinabi ni Lazaro na tuloy ang negosasyon ng ASEAN at China para sa code of conduct, at may “some movement” sa mga buwanang pagpupulong na posibleng magbunga ng kasunduan sa 2026.

Patuloy umano ang mga teknikal na pag-uusap sa iba’t ibang lugar bilang bahagi ng tuloy-tuloy na diplomasya. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here