
ONE-STRIKE-POLICY NI ACORDA ‘DI GUMAGANA SA LAGUNA
DAHIL sa nationwide one-strike-policy na ipinag-utos ni Philippine National Police chief P/Gen Benjamin Acorda Jr., nagkagulo ang tabakuhan sa maraming rehiyon at probinsya sa bansa.
Sa naturang direktiba, sinabi ng PNP chief na tatanggalin niya sa puwesto ang regional at provincial commanders, ganoon din ang chiefs of police na hindi makakasunod sa kanyang utos.
Alinsunod sa utos, kaagad umaksyon si National Capital Region Police Office director P/BGen Jose Melencio Nartatez Jr., at ipinag-utos ang ‘raids’ sa mga sugalan sa Metro Manila.
Bukod kay Nartatez, kumilos na rin si Police Regional Office 3 director P/BGen Jose ‘Jun’ Hidalgo, Jr. at iba pang regional commanders, maliban sa CALABARZON na walang aksyon versus vices.
PAIHI NI ADOR SA CALAMBA
Isa sa patuloy na hindi sumusunod na tila ‘di takot sa one-strike-policy order ni Acorda ay si Laguna provincial director P/Col Harold Depositar at Calamba police chief Lt Col Milany Martirez.
Talamak ang sugalan at petroleum smuggling, partikukar ang operasyon ng paihi ni alias “Ador” sa tabi ng Yakult Philippines sa Makiling, Calamba, Laguna pero ‘dedma o ‘di kumikilos sina Depositar at Martirez.
Bukod sa Makiling ay may paihi operation din si Ador sa iba’t ibang lugar sa Region 4A na protektado ng ilang tiwaling miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group at National Bureau of Investigation.
Si Ador ay konektado sa oil smuggling syndicate na ang ginagamit na daungan ng ipinupuslit na diesel, gasolina at LPG ay ang pier ng Batangas at ilan pang secret ports sa lalawigan.
OPERATION NI ‘UNTOUCHABLE’ TESSIE
Dapat ay silipin ni Acorda ang pangungunsinte ni Police Regional Officer 4A director P/BGen Joselito Gaces sa operasyon ni “Aling Tessie”, ang tinawag na “Perya Queen” ng CALABARZON.
Hindi na raw kasi operasyon ng perya, kundi mistulang mini-casino na ang mga ‘untouchable’ perya ni Aling Tessie na nagkalat sa rehiyon, partikular sa Batangas.