Home METRO 5-anyos na batang babae tinangay sa Pampanga

5-anyos na batang babae tinangay sa Pampanga

MANILA, Philippines – Pinaghahanap ng mga awtoridad ang isang limang taong gulang na batang babae sa Angeles City, Pampanga na huling nakitang kasama ng hindi pa nakikilalang lalaki.

Base sa pulisya, noong pang Linggo, Marso 17, nang mawala si Margaux Alliyah Dela Cruz o mas kilala sa tawag na “Ally”.

Noong araw na nawala siya, nanunuluyan si Ally sa bahay ng kanyang lola sa Barangay Balibago.

“Humihingi po siya ng pagkain, ngayon sabi ko sandali magsasangag ako. Nakita ko pa siya naglalaro pa diyan. Nung may itinapon akong kapirasong plastic sa basurahan napansin ko bukas yung gate. Tinawag ko walang sumasagot sa akin. Pagsilip ko wala, tiningnan ko lahat ng kwarto hanggang sa ilalim ng lamesa, sa banyo,” ani Teresita dela Cruz, ang lola ni Ally.

Sa kuha ng CCTV, nakita si Ally na tumatakbo sa bisinidad at gumagapang pa sa isang footbridge.

Maya-maya ay nakita si Ally na binuhat ng isang lalaki na nakasuot ng facemask at isang sombrero, na inilagay niya kay Ally. May dala rin siyang payong.

“Based on the footages ng CCTV, isinakay yung bata ng isang lalaki kumuha sa bata, naisakay sa jeep papunta doon sa Station 1. From there, may binabaan sa isang place ulit sumakay ulit doon. Nagba-back ulit kami ng CCTV kung saan niya dinala yung bata,” ani Police Major Vicky Tamayo, Station Commander, Angeles City Police Station 4.

Nangako si Tamayo na hindi titigil ang mga awtoridad sa paghahanap sa bata. RNT