Home METRO Kelot nag-amok, bahay ng utol sinunog, tiyo sinaksak ng payong, pinukpok ng...

Kelot nag-amok, bahay ng utol sinunog, tiyo sinaksak ng payong, pinukpok ng bato

BACOLOD CITY – Pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang isang 85-anyos na lalaki ng kanya mismong pamangkin na sinasabing may sakit sa pag-iisip sa Purok Bougainvillea, Barangay Antipolo, Pontevedra, Negros Occidental noong Lunes, Marso 18.

Sinabi ni Police Lt. Darryl Kuhutan, deputy chief ng Pontevedra Municipal Police Station, na inaawat umano ng biktima ang kanyang 36-anyos na pamangkin nang sunugin nito ang bahay ng kanyang kapatid.

Gayunman, mas lalo umanong naghurumintado ang suspek, hanggang sa sinaksak umano nito ang biktima ng bakal mula sa sirang payong. Pinukpok pa umano ng suspek ng bato sa ulo ang biktima, ayon kay Kuhutan.

Nagtamo ng mga sugat sa ulo at leeg ang biktima at dinala sa Don Salvador Benedicto Memorial District Hospital sa La Carlota City, Negros Occidental, kung saan idineklara itong patay.

Sinabi ni Kuhutan na nag-iisa ang suspek sa loob ng bahay ng kanyang kapatid nang sunugin ito pati na rin ang ilang tuyong dahon ng saging.

Nadakip ang suspek sa tulong ng mga tao sa lugar.

Sa kabila ng krimen, sinabi ni Kuhutan na hindi na itutuloy ng pamilya ng biktima ang pagsasampa ng kaso laban sa suspek. RNT

Previous articleHoly Week traffic advisory inilabas ng Pasig City
Next article5-anyos na batang babae tinangay sa Pampanga