AKLAN, Philippines – Arestado ang limang indibidwal matapos maharang ang limang bangkang pangisda sa karagatan ng Tangalan, Aklan dahil sa umano’y illegal fishing, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Sa ulat ng PNP, nagsagawa ang Maritime Group ng seaborne patrol noong Abril 15 na nagresulta sa pag-intercept sa mga bangka matapos mabigong maipakita ng mga sakay ang required permits at dokumento.
Paglabag ito sa Republic Act 8550 o Philippine Fisheries Code of 1998.
Ayon sa PNP, limang katao ang dinala sa kustodiya habang kinumpiska ang mga bangka, gamit sa pangingisda, at huli na may kabuuang halagang ₱2.156 milyon para sa tamang disposisyon.
Sinasabing ang mga ito ay sangkot sa unauthorized fishing sa municipal waters.
Binigyang-diin ni PNP chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. na ang operasyon ay hindi lang para sa pagpapatupad ng batas kundi para rin sa seguridad ng pagkain sa hinaharap.
“Hindi natin palalampasin ang mga lumalabag sa ating batas sa karagatan. This is about protecting our fisherfolk and ensuring that our marine resources are preserved for the next generation,” aniya.
Nagbabala ang PNP Maritime Group na magpapatuloy ang operasyon laban sa illegal, unreported, at unregulated fishing para protektahan ang marine ecosystem at suportahan ang mga lehitimong mangingisda. RNT/MND