Home METRO 5 arestado sa Parañaque drug ops; ₱850K tobats at baril, nasamsam

5 arestado sa Parañaque drug ops; ₱850K tobats at baril, nasamsam

1
0

MANILA, Philippines – Arestado ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Parañaque City police ang limang indibidwal, kabilang ang isang itinuturing na High-Value Individual (HVI), matapos makumpiskahan ng 125 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱850,000 at baril sa Parañaque City madaling araw ng Martes, Agosto 11.

Sa isinumiteng report ng Parañaque City police sa Southern Police District (SPD) kinilala ang limang inarestong suspek na sina alyas Mar, 51, tinaguriang HVI; alyas Arron, 45; alyas Monnette, 23; alyas Sonny, 61; at isang alyas Camille, 42.

Dakong alas-2:00 ng madaling araw nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng SDEU sa loob ng isang residential unit sa Barangay San Dionisio, Parañaque City.

Nakumpiska ng mga awtoridad ang ilang sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, kabilang ang buy-bust item.

Narekober din mula kay alyas Mar ang isang Taurus caliber 9mm pistol, isang caliber 9mm magazine, at apat na bala ng caliber 9mm.

Ang mga nakumpiskang armas at bala ay dinala sa SPD Forensic Unit para isailalim sa kaukulang beripikasyon at pagsusuri.

Kasalukuyang nananatili ang mga suspek sa custodial facility ng Parañaque City police habang inihahanda ang pagsasampa ng kaso sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bukod dito, nahaharap din si alyas Mar sa paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition kaugnay ng nakumpiskang baril at mga bala. James I. Catapusan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here