Home NATIONWIDE Armadong holdaper sugatan sa pambubuno sa pulis sa ibabaw ng footbridge sa...

Armadong holdaper sugatan sa pambubuno sa pulis sa ibabaw ng footbridge sa Muntinlupa

2
0

MANILA, Philippines – Sugatan ang isang armadong holdaper matapos makipagbuno sa rumespondeng pulis sa dala niyang baril na naganap sa ibabaw ng pedestrian overpass sa Muntinlupa City Martes ng hapon, Agosto 11.

Kinilala ng Muntinlupa City police ang inarestong suspek na si alyas Eduardo, nasa hustong gulang, na kasalukuyang ginagamot sa kanyang tinamong tama ng bala sa leeg sa Ospital ng Muntinlupa (OsMun).

Base sa inisyal na imbestigasyon, nakatanggap ng tawag mula sa 911 hotline ang Muntinlupa City police bandang alas 2:15 ng hapon tungkol sa naganap na panghoholdap sa harap ng isang gasoline station sa kahabaan ng East Service Road kung saan agad na rumesponde sina PSSg Lloyd H. Francisco and PMSg Alvin A. Cordero sa lugar.

Pagdating sa lugar ay nilapitan ang mga rumespondeng pulis ng isang 18-anyos na babaeng estudyante kung saan sinabi nito na hinarang siya ng suspek at tinutukan ng baril habang sakay ng pampasaherong jeepney at sapilitang kinuha ang kanyang smartphone at wallet bago tumakas patungo sa footbridge sa kahabaan ng East Service Road sa Barangay Sucat, Muntinlupa City, patungong West Service Road.

Sa lumabas na viral video sa social media ay makikita na sa pag-akyat ng mga pulis sa nabanggit na footbridge ay nakasalubong ng isa sa mga rumespondeng pulis ang suspek na nagkunwari pang walang alam sa pangyayari at nang akmang aarestuhin na ito ay pansamantalang tumalikod sabay bunot ng baril sa kanyang baywang.

Mabilis namang nasalag ng pulis ang baril na hawak ng suspek kung saan nagpambuno ang mga ito hanggang sa umalingawngaw ang isang putok ng baril na ikinasugat ng suspek sa kanyang leeg.

Agad na humingi ng emergency medical assistance ang mga pulis mula sa Barangay Sucat Medical Team na nagsugod sa suspek sa OsMun para sa kaukulang lunas ng kanyang tinamong sugat.

Narekober mula sa posesyon ng suspek ang isang.45 Colt pistol na may magazine na kargado ng tatlong bala; at ang itim na sling bag na naglalaman ng Xiaomi 11T Pro smartphone na nagkakahalaga ng ₱37,000.00 at itim na wallet na naglalaman ng iba’t ibang identification card na pag-aari ng biktima.

Kasalukuyang nasa Investigation and Detective Management Section (IDMS) ng Muntinlupa City police ang kaso at mga nakumpiskang ebidensya habang tinatapos na ang mga dokumento para sa inquest proceedings. James I. Catapusan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here