Home METRO 5 barangay sa QC idedeklara nang ‘drug-cleared’

5 barangay sa QC idedeklara nang ‘drug-cleared’

MANILA, Philippines – SINABI ng Quezon City government na nakatakdang ideklara ng QC Anti-Drug Abuse Advisory Council o QC-ADAAC na drug-cleared ang limang mga barangay sa lungsod-Quezon.

Sa pagdiriwang ng International Day Against Drug Abuse, sinabi ni QC ADAAC co-chairman at Vice Mayor Gian Sotto na sa ngayon ay bumababa na ang bilang ng mga drug addict at drug pusher sa Quezon City.

Ayon kay Sotto, ito aniya ay resulta ng malawakang information campaign at mga drug prevention program ng lokal na pamahalaan laluna ang pagtugon sa pagbibigay ng trabaho sa taumbayan.

Sinabi pa nito na naging posible rin aniya ito dahil sa pakikipagtulungan ng barangay, mga eskwelahan at iba pang stakeholder na mulat na rin sa negatibong epekto ng illegal drugs.

Paliwanag pa ni Sotto, bagamat hindi maitatanggi na mayroon pa ring nagkalat na ilegal na droga sa lungsod pero batay aniya sa rekord ng QCPD karamihan sa mga nahuhuli at namomonitor na mga pusher ay pawang taga ibang lugar.

Sa ngayon ay ayaw munang banggitin ni Sotto kung anong mga barangay ito dahil hihintayin pa ang rekord na manggagaling sa anti-drug abuse council.

Batay sa rekord ng QC-ADAAC noong 2019, 30 barangay ang idineklang drug-cleared sa buong Quezon City. Santi Celario