MANILA, Philippines – Inamin ng opisyal ng Department of Education (DepEd) sa pagdinig ng Senado na hindi sapat ang limang core subjects sa bagong Senior High School (SHS) curriculum para maihanda ang mga estudyante sa kolehiyo.
Ayon kay DepEd Undersecretary for Curriculum Gina Gonong, kailangan pa rin ng mga estudyante ng mga elective subjects na naaayon sa kukunin nilang kurso sa kolehiyo. “Magiging totoo ako, Senator Win, hindi sapat ang limang core subjects para maging college-ready ang mga estudyante. Kailangan nila ng electives,” aniya.
Sa bagong kurikulum na ipatutupad sa school year 2025-2026 (pilot) at 2026-2027 (full), mula 15 ay naging lima na lang ang core subjects: effective communication, life skills, general mathematics, general science, at social studies.
Ipinunto ni Senador Sherwin Gatchalian na kahit may pagbabawas ng subjects, nananatiling kailangan ang bridging programs—dagdag gastusin para sa mga pamilya. “Dapat tiyakin ng SHS curriculum na handa na agad ang estudyante pagpasok sa kolehiyo, nang hindi na kailangan ng bridging program,” sabi niya.
Ibinahagi rin ni Gatchalian ang resulta ng survey: 59% ng mga magulang ay hindi kuntento sa K to 12 dahil sa dagdag na gastos, habang 52% ang nagsabing hindi sapat ang SHS diploma para sa mas magandang trabaho.
Sinabi naman ni Gonong na nakikipag-ugnayan na ang DepEd sa CHED upang iayos ang alignment ng SHS at kolehiyo at alisin ang mga magkakaparehong aralin. RNT