MANILA, Philippines- Sinabi ng Commission on Higher Education (CHEd) sa panel ng Kamara na natukoy nito ang limang allied healthcare professions na mahaharap sa “supply and demand challenges” pagdating sa manpower.
Sa isinagawang budget deliberations ng komisyon sa harap ng Committee on Appropriations, araw ng Huwebes, Agosto 8, sinabi ni CHED Chairman Prospero de Vera na nakipagpulong ang ahensya sa Private Sector Advisory Council (PSAC) para tukuyin ang limang larangan na nasa krisis.
Sinabi ni De Vera na ang ‘most urgent concern’ para sa healthcare system ng bansa ay ang bumababang manpower ng radiologic technologists. Ito aniya ang kasalukuyang nagpapatuloy na krisis.
Samantala, haharapin naman ng medical technologists, physical therapists, occupational therapists, at pharmacists ang kani-kanilang krisis sa loob ng tatlo hanggang limang taon.
“Out of the five, there is a serious problem now with the availability of radiologic technologists in the country. The other four, the projected problem will be more pronounced three to five years from now,” ayon kay De Vera.
Sinabi ni De Vera na nagsimula na ang komsiyon na ipatupad ng interbensyon para sa radiologic technologists ngayong taon.
Base sa 2025 National Expenditure Program (NEP), paglalaanan ang CHED ng P31 bilyong budget para sa susunod na taon.
Winika ni De Vera na P909 milyon ng nasabing halaga ay gagamitin para itaas ang pondo para sa medical scholarships.
“The P909 million will be able to cover continuing scholars and also accept 500 new medical scholars in our 22 state universities and colleges with medical programs,” aniya pa rin.
Samantala, sinabi ni De Vera na dine-develop ng ahensya ang master plan para tugunan ang “supply and demand challenges” para sa iba pang allied health jobs.
Sinabi ni Iloilo 1st district Rep. Janette Garin, nanguna sa panel na dapat na isama rin ang sonographers sa health professions na posibleng maharap sa manpower issues.
Sinabi ni Garin kay De Vera na nananatiling sapat ang radiologic technologists sa bansa samantalang ang sonographers ay lubhang kulang.
“Sonographers are the ones operating the machine to get an image. With the technology now, you can just get images on the field and then throw it to the hospital. Ang problema kulang ng training at mas mahaba ang training,” ang paliwanag ni Garin, dating kalihim ng Department of Health (DOH).
Ang sonographers ang kumukuha at nag-aanalisa ng mga larawan ng iba’t ibang parte ng katawan sa pamamagitan ng ‘imaging equipment at soundwaves’ na kilala bilang ultrasounds. Kris Jose