MANILA, Philippines – Arestado ng mga awtoridad sa Santa Elena, Camarines Norte, nitong Martes, Marso 11 ang limang indibidwal na sangkot umano sa pagnanakaw sa isang computer at gadget shop sa Claver, Surigao del Norte.
Tinukoy ni Surigao del Norte Police Provincial Office Director Police Col. Warren E. Dablo ang mga suspek na isang 37-anyos na babae mula sa Subic, Zambales; isang 24-anyos, 22-anyos, at 21-anyos na lalaki mula sa Baliuag, Bulacan; at 45-anyos na lalaki mula Subic.
Ani Dablo, agad silang nagkasa ng operasyon matapos ang insidente noong Marso 7 at sinundan ang mga suspek na sakay ng isang green na Honda CRV.
Pumasok ang mga suspek sa Region 8 at Region 5, kung saan nasakote ang mga ito habang nasa isang gasolinahan sa Santa Elena.
Narekober sa mga suspek ang 10 laptop, anim na mobile phones, tablet, laptop bag, chargers, internet router, numeric keypad phone, USB hub port, at police uniforms.
Sinabi ni PRO 13-Regional Public Information Office chief Police Major Jennifer S. Ometer na ang pinagsanib na pwersa para tugisin ang mga suspek ang naging dahilan sa mabilis na pagkakahuli sa mga ito.
“After learning the robbery incident in Claver town, Surigao del Norte province on Friday, March 7, PRO-13 Director Police Brig. Gen. Christopher N. Abrahano immediately ordered massive pursuit operation against the fleeing robbery gang,” pahayag ni Ometer.
Dinala sa kustodiya ng Santa Elena MPS ang mga suspek para sa dokumentasyon at medical examination. RNT/JGC