MANILA, Philippines – Swak sa kulungan ang isang notoryus na miyembro ng kilalang ‘Monsanto Robbery Gang’ nang masakote ng pulisya sa ikinasang manhunt operation sa Valenzuela City.
Ayon kay Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban, nakatanggap sila ng impormasyon na naispatan ang presensya ng akusadong si alyas “Jonard”, 32, na kabilang sa listahan ng mga Most Wanted Person sa lungsod.
Inatasan ni Col. Cayaban ang Warrant and Subpoena Section (WSS) na bumuo ng team at kasama ang mga tauhan mula sa Sub-Stations 1, 6, at 7, agad ikinasa ng WSS ang joint operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong alas-5:00 ng hapon sa Brgy. Bagbaguin.
Hindi na nakapalag si alyas Jonard nang isilbi sa kanya ng mga tauhan ni Col. Cayaban ang warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Evangeline M. Francisco, ng RTC Branch 270, Valenzuela City, noong January 31, 2013, para sa kasong Robbery under Article 294, Paragraph 5 of the Revised Penal Code in relation to Republic Act 7610 na may inirekomendang piyansa na P100,000.
Kilala umano sa pagiging mailap si alyas Jonard na matagal din naiiwasan ang tumutugis na mga alagad ng batas subalit, ang pagsisikap at hindi natitinag na dedikasyon ng mga tauhan ng Valenzuela police ang nagsiguro ng matagumpay na operasyon.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility Unit ng Valenzuela Police habang hinihintay ang pagpapalabs ng commitment order mula sa hukuman.
Pinuri ni P/Col. Josefino Ligan, Acting District Director ng NPD ang Valenzuela City Police Station sa kanilang hindi natitinag na pangako sa batas at kaayusan.
“This arrest sends a clear message to criminals that their actions will not go unpunished. The NPD remains steadfast in its mission to apprehend criminals and maintain peace and security in the CAMANAVA area. We will not rest until our communities are free from the threat of organized crime.’ pahayag niya. Merly Duero