MANILA, Philippines – Limang abandonadong parcel na naglalaman ng iba’t-ibang klase ng ilegal na droga na nagkakahalaga ng mahigit P6.5 milyon ang kinumpiska ng mga tauhan ng Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG) sa ikinasang interdiction operation sa Pasay City Martes ng umaga, Mayo 26.
Isinagawa ng IADITG ang operasyon bandang alas 10:00 ng umaga sa Central Mail Exchange Center (CMEC), Domestic Road, Pasay City.
Base sa inisyal na report ng IADITG, nadiskubre ang samu’t-saring ilegal na droga matapos buksan ang isang parcel na naglalaman ng 946 gramo ng pinatuyong dahon ng hinihinalang marijuana kush na nagkakahalaga ng P1,419,900 habnag ang ikalawa at ikatlong parcel naman ay nakitaan ng 789 at 606 na tableta ng hinihinalang ecstasy na nagkakahalaga ng P3,353,250 at P1,030,200, ayon sa pagkakasunod-sunod.
Sa agbubukas ng ikaapat na abandonadong parcel ay nadiskubre ang 10 gramo ng hinihinalang ketamine na may halagang P50,000 habang nadiskubre din sa ikalimang binuksan na parcel ang 114 gramo ng hinhinalang cocaine na nagkakahalaga naman ng P604,200.
Kabilang din sa nakumpiska ang 184 gramo ng kulay kayumanggi na hindi pa mabatid na substance.
Ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa PDEA Laboratory Service upang maisailalim ang mga ito sa laboratory examination.
Ang mga nasasangkot na indibidwal ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 4 Art. Il ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Pasay City Prosecutor’s Office.
Ang NAIA-IADITG ay binubuo ng mga operatiba ng PDEA RO NCR kabilang ang Bureau of Customs – Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (BOC-CAIDTF); PNP Aviation Security Group (AVSEG); Airport Police Department (APD); PNP Drug Enforcement Group (DEG); National Bureau of Investigation (NBI); at ng Bureau of Immigration (BI). James I. Catapusan/ larawan ni Jimmy Hao