UNITED STATES – Limang katao ang nasawi matapos lumampas sa runway at bumagsak ang isang Amazon Prime Air cargo plane habang lumalapag sa Miami International Airport nitong Linggo, Setyembr 6.
Ayon sa mga awtoridad, lumampas sa diagonal runway ang Prime Air Flight 7598 bago magtangkang lumapag dakong alas-2 ng hapon at bumangga sa ilang sasakyan sa ground area ng paliparan.
Limang iba pa ang nasugatan, kabilang ang tatlong nasa kritikal na kondisyon, ayon kay Miami-Dade Fire Chief Ray Jadallah.
Dalawang tao ang na-trap umano sa mga sasakyang tinamaan ng eroplano, habang naipit naman sa loob ng aircraft ang piloto at co-pilot.
Hindi muna inilabas ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga nasawi.
Mahigit 60 rescue units at nasa 200 personnel ang rumesponde sa insidente. Patuloy din umanong inaasikaso ng mga emergency responder ang aktibong pagtagas ng fuel mula sa eroplano.
Agad na sinuspinde ang lahat ng flight sa paliparan matapos ang crash, ngunit dalawa sa apat na runway nito ang muling binuksan pagsapit ng Linggo ng gabi.
Ang bumagsak na eroplano ay isang Boeing 767-300 na galing San Juan, Puerto Rico, ayon sa Federal Aviation Administration (FAA). Ito ay pinatatakbo ng cargo airline na 21 Air para sa Amazon.
Sinabi ng Amazon na patuloy nitong kinokolekta ang impormasyon tungkol sa insidente at nakikipagtulungan sa mga lokal na awtoridad.
“Right now, our absolute priority is the safety, well-being, and care of everyone involved,” pahayag ng Amazon spokesperson na si Kelly Nantel.
Iniimbestigahan ng FAA ang sanhi ng pagbagsak.
Hindi ito ang unang fatal crash na kinasangkutan ng Amazon Prime Air aircraft.
Noong Pebrero 2019, bumagsak sa Trinity Bay ang Atlas Air Flight 3591, isang Boeing 767-300 freighter na nag-o-operate para sa Amazon Prime Air. Tatlong sakay nito ang nasawi. RNT/JGC