MANILA, Philippines- Patay sa malawakang pagbaha sa Bangsamoro region ang hindi bababa sa limang indibidwal hanggang nitong Biyernes, Hulyo 12, 2024.
Tatlo ang nasawi sa Matanog, Maguindanao del Norte habang dalawa ang naiulat na patay sa Kapatagan, Lanao del Sur, batay sa datos mula sa Office of the Civil Defense-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (OCD-BARMM).
Makikita rin sa datos ng OCD-BARMM na 12 indibidwal ang naiulat na sugatan – walo sa bayan ng Matanog at apat sa Balabagan, Lanao del Sur.
Lima naman ang naiulat na nawawala sa rehiyon – dalawa sa Matanog; dalawa sa Balabagan; at isa sa Kapatagan.
Halos 72,500 pamilya ang apektado ng pagbaha mula sa 336 barangay sa rehiyon.
Nagbigay na ng tulong ang local government units sa mga biktima ng baha. RNT/SA