Home METRO 5 pedopilyang dayuhan, hinarang ng BI sa NAIA

5 pedopilyang dayuhan, hinarang ng BI sa NAIA

MANILA, Philippines – INIULAT NG Bureau of Immigration (BI) na umabot sa limang dayuhang pedophile ang kanilang hinarang at pinagbawalang makapasok sa bansa nito lamang nakaraang linggo.

Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco na lahat ng limang pasahero, kabilang ang apat na Amerikano at isang New Zealander, ay pawang mga registered sex offenders (RSO), ay naharang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Pebrero 29 hanggang Marso 3.

Aniya, lahat sila ay pinabalik at pinasakay sa susunod na flight patungo sa kanilang pinanggalingan lugar at inilagay sa BI blacklist upang matiyak na muli silang tatabuyin o haharangin sakaling subukan nilang bumalik sa Pilipinas.

Ang mga RSO ay tumutukoy sa mga dayuhan na dati nang nahatulan ng sex offense at ang kanilang pagpasok sa Pilipinas ay ipinagbabawal sa ilalim ng batas sa imigrasyon ng bansa dahil ang mga krimen na kanilang ginawa ay nagsasangkot ng moral turpitude.

Batay sa talaan, naharang noong Pebrero 29 sa NAIA terminal 1 si Daniel Lee Downey, 45, na dumating sakay ng China Airlines flight mula Taipei. Si Downey ay hinatulan ng korte sa California dahil sa paggawa ng mahalay na gawain sa isang batang wala pang 14 taong gulang.

Noong Marso 1, hinarang ng mga opisyal ng BI sa NAIA terminal 3 ang New Zealander na si Richard Neil Smith, 73, na dumating sa pamamagitan ng Scoot Airways flight mula Singapore at iniulat na isang convicted child sex offender sa kanyang bansa.

Gayundin, noong Biyernes, naharang ang American RSO Shannon Barlow, 60, sa NAIA terminal 3 matapos siyang dumating sakay ng Air Nippon Airways flight mula Tokyo. Si Barlow ay nahatulan ng pang-aabusong sekswal sa unang antas ng korte sa Chicago noong 1996 ay sinentensiyahan ng pagkakulong ng higit sa tatlong taon.

Noong Marso 2, ang Amerikanong si Randy Ray Rogers, 64, ay hinarang sa NAIA terminal 3 matapos dumating sa pamamagitan ng Turkish Airlines flight mula Istanbul. Si Rogers ay nahatulan sa Texas sa dalawang bilang ng aggravated sexual assault kung saan ang mga biktima ay 19 at 24 taong gulang na mga babae.

Noong araw ding iyon, naharang ang Amerikanong si John Herbert Timbol sa terminal 3 ng NAIA nang dumating siya sa pamamagitan ng flight ng Philippines Airlines mula Los Angeles, California. Sinasabing si Timbol ay nahatulan sa North Carolina sa kasong first degree sexual offense sa isang hindi kilalang biktima. JAY Reyes

Previous article6 tiklo sa cara y cruz at shabu sa Caloocan
Next articleJC, pinag-agawan ng dalawang girlet, nag-react!