Home NATIONWIDE 5 Pinoy na sakay ng Singapore Airlines na inuga ng severe turbulence...

5 Pinoy na sakay ng Singapore Airlines na inuga ng severe turbulence binabantayan ng DMW

MANILA, Philippines – Mahigpit na sinusubaybayan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang kondisyon ng limang pasaherong Filipino na nagtamo ng injury nang mag-emergency landing ang kanilang Singapore-bound flight sa Bangkok, Thailand, nitong Mayo 21.

Sinabi ng DMW Migrant Workers Office sa Singapore (MWO-SG) na kabilang dito ang pamilya ng tatlong mga pasaherong Filipino kabilang ang dalawang taong gulang na lalaking sanggol.

Ang ina ng sanggol ay isang rehistradong overseas Filipino worker (OFW) na staff nurse sa United Kingdom (UK). Walang record ang asawa niya bilang OFW.

Ang pang-apat na pasahero ay isang babaeng Singapore-based OFW sa sektor ng information technology, habang ang ikalimang pasaherong Pinoy, isang lalaki, ay walang record din bilang isang OFW.

Dinala sila sa iba’t ibang ospital sa Bangkok at tumanggap ng medikal na paggamot para sa mga pinsalang natamo mula sa insidente ng emergency landing. Sumailalim sila sa isang serye ng mga medikal at pisikal na pagsusuri.

Susuriin ng mga doktor ang mga resulta ng pagsusuri upang malaman ang kanilang kondisyon.

Lahat ay nasa stable na kondisyon, kabilang ang sanggol. Ayon sa ulat ng MWO-SG, gayunpaman, ay mahigpit na inoobserbahan ng mga doktor ang kalagayan ng OFW na nakabase sa Singapore na nagkaroon ng bali sa leeg.

Inilalarawan ng mga doktor ang kanyang kondisyon bilang “sensitibo” ngunit stable.

Susubaybayan ng MWO-SG at ng Philippine Embassy sa Bangkok (PE-BKK) ang kanilang kalagayan hanggang sa sila ay ma-discharge at maipagpatuloy ang kanilang pagbiyahe. Jocelyn Tabangcura-Domenden