Bulacan – Aabot sa limang indibiduwal ang nasaktan kabilang ang isang paslit matapos sumadsad patagilid ang kanilang sinasakyang MPV nang mapadaan sa tulay na nabangga ng container van sa North Luzon Expressway (NLEX) sakop ng bayan ng Marilao.
Ayon sa impormasyon, naganap ang insidente bandang 12:00 ng tanghali nitong Hunyo 18 sa Marilao bridge north bound ng NLEX.
Sa Facebook post na nag-viral tungkol dito, may mga netizen ang nagsabing sumadsad ang MPV nang mabangga ng container van ang ilalim na bahagi ng tulay at may malaking bumagsak na bakal.
Nakita sa post na nagtulong-tulong ang ilang residenteng kumabilang bakod sa NLEX para maitakbo ang mga biktima sa ospital para sa paunang lunas.
Dahil dito, agad naman dumating ang mga patrolman ng NLEX para tulungan ang mga biktima at mag-assist para dumaloy ng maayos ang bumigat na trapiko.
Wala namang naiulat na nasawi sa naturang insidente at maglalabas umano ng kaukulang pahayag ang pamunuan ng NLEX hinggil sa insidenteng ito, ayon sa impormasyon.
Sinasabing kamakailan lang ay nabangga na rin ng truck ang naturang tulay na nagdulot ng ilang araw na mabigat na daloy ng trapiko. Dick Mirasol III