Manila, Philippines – Sobrang hasa na si Valerie Tan sa pagiging host ng I Heart PH.
Katunayan, ayon sa host ng 2024 PMPC Star Awards for TV best lifestyle and travel show, flattered siya dahil sa karangalang tinamo ng kanyang programa.
Hindi naman kaila kay Valerie na marami ang nakakapansin ng pagkakahawig niya kay Toni Gonzaga.
May mga nagkukumpara nga raw sa paraan ng kanilang pagho-host ng actress turned vlogger.
Ito ay kahit hindi pa raw niya nami-meet nang personal si Toni.
“I haven’t met her but I would love to meet her because she’s someone that I look up to when it comes to hosting,” aniya.
Game rin daw siya na maka-collab si Toni o magsama sila sa hosting.
“Puwede naman. Mag-interbyuhan kami pero nakatingin kami sa salamin,” pagbibiro niya.
Pagdating sa hosting, ang pinaka-idolo raw niya ay ang tinaguriang dating Queen of All Media na si Kris Aquino.
“Idol ko talaga sa hosting si Kris kasi puwede siyang game show host. Puwede rin siyang showbiz talk show host. Actually, she’s an icon. Lahat kaya niyang gawin,” paliwanag niya.
Bagama’t priority niya ang hosting, bet din daw niyang subukan ang acting.
“Sa ngayon, wala namang offers pero who knows? Puwede namang subukan, pero hosting is still my priority,” bulalas niya.
Kung sasabak daw naman siya sa pag-arte, bet niyang i-try ang drama.
“Never ko pa naman siyang naisip kasi I used to do theater sa Gantimpala. I don’t know. I really don’t know,” esplika niya.
Isa raw naman sa hinahangaan niya pagdating sa pag-arte ay ang magaling na aktres na si Maris Racal.
“Gusto ko si Maris. Galing na galing ako sa kanya. She’s very versatile,” ani Valerie.
Proud naman si Valerie dahil pumapasok na sa Season 10 ang kanyang lifestyle and travel show na I Heart PH.
“Level up na kami dahil sa new and exciting episodes.
“We have partnered with the Hong Kong Tourism Board to showcase Hong Kong’s rich culinary and cultural heritage for Pinoys to see and appreciate,” hirit niya.
Maliban sa food tripping, sumalang din daw siya sa mga kakaibang hamon while doing the show tulad ng pag-akyat sa 14 meter na tore sa okasyon ng taunang Bun Scrambling Competition sa Cheung Chau Island.
Memorable daw sa kanya ang engkuwentro niya sa cute pandas sa Ocean Park sa Hongkong.
Ang media launch ng bagong season ng I Heart PH ay dinaluhan ng HKTB Regional Director na si Liew Chian Jia.
Mula sa produksyon ng TV8 Media Productions, ang I Heart PH ay nagsimula nang umere noong Hunyo 8 sa ganap na alas 10:30 ng umaga sa GTV at magiging bahagi na ng viewing habit ng mga Pinoy tuwing Sabado. Archie Liao