Home NATIONWIDE 5-year term sa barangay, SK officials kinuwestiyon ni Gatchalian

5-year term sa barangay, SK officials kinuwestiyon ni Gatchalian

1
0

MANILA, Philippines – Hindi pa kumbinsido si Senate President Sherwin “Win” Gatchalian na itakda sa limang taon ang fixed term ng opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan dahil wala pang pagpapatunay na makabubuti ito sa komunidad.

Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na dapat bigyan ng matibay na ebidensiya upang bigyang katuwiran ang pagpapalawig sa 5 taon ang panunungkulan sa barangay.

Kaya, nanawagan si Gatchalian sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na maglatag ng matibay na pag-aaral na may datos na magpapatunay na magreresulta sa mahusay na pamamahala ang pagpapalawig ng termino ng barangay officials.

“Sa huli, dapat mapabuti nito ang pamumuno sa mga barangay at ganun din sa SK,” ani Gatchalian sa nakaraang pagdinig sa Senado hinggil sa panukalang batas na nagpapalawig sa termino ng mga opisyal ng barangay at SK sa limang taon.

Partikular na hiniling ni Gatchalian mula sa mga kinatawan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng National Youth Commission (NYC) na maglatag ng konkretong mga pag-aaral na nagpapakita ng aktuwal na benepisyo ng limang taong termino sa mahahalagang sektor, kabilang ang public health, peace and order, at mga inisyatibo laban sa iligal na droga.

“Ang mahabang termino sa magagaling na kapitan, okay ‘yun. Pero ang mahabang termino sa bulok na kapitan, may problema tayo sa ating mga constituents. Kailangan nating maipakita na ang pagpapahaba sa termino ay magbibigay ng benepisyo at magpapa-ayos sa pamumuno at magpapaganda ng serbisyo at pagsasanay para sa ating mga kabataan,” pagdiin ni Gatchalian. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here